Napag-isipan ko lang – Pagbabago

Sabi nga nila, lahat ng bagay nagbabago. Hindi mo pwedeng baguhin yun, kasama na un sa mundo. Nagbabago ang liwanag at nagiging dilim sa pagdaan ng araw, ang Lunes ay nagiging Martes, Miyerkules hanggang maging Lunes ulit, nagpapalit ang kulay ng mga dahon mula sa berde hanggang malanta at tuluyan ng malaglag sa lupa, lumalamig at umiinit din ang panahon. Lahat ng bagay sa mundo nagbabago, pero ibig bang sabihin noon ay pati tayo ay nagbabago. Porket bang tuloy tuloy ang ikot ng mundo pati ba tayo nagbabago? Kasama ba tayong nagbabago ng klima at pagpapalit ng presidente? Kapag nagpalit ba tayo ng trabaho at mga kaibigan, pati tayo nagbabago? Kapag nakapagbasa ka ba ng bagong libro or manood ng bagong palabas, ibig bang sabihin noon pati ikaw ay nagbago na?

Sa pagdaan ng araw at paglipas ng panahon, ang daming nagbabago sa paligid ko at sakin na rin siguro. Nakatapos na ako ng pag-aaral, nagsimula ng magtrabaho, nagkaroon ng ibang kaibigan, lumipat ng trabaho, sumali sa kung ano-anong laro, nakakilala ng iba pang tao. Nagbago na lahat sa akin, hindi na ako parehas magsalita sa dati, iba na rin ang mga sinusuot ko, iba na rin ang aking relo, iba na rin ang parati kong kasamang mga kaibigan, humaba at nagpagupit na rin ako ng buhok ng maraming beses, pero iisa pa rin ang tanong sa aking isipan, nagbago na ba talaga ako?

Minsan sinabi ko rin sa sarili kong magbabago na ako, hindi na ako magiging tamad, lahat ng sinabi ko ay gagawin ko, matututo na akong maging magalang, hindi na ako magiging magaslaw, hindi na ako magsasabi ng mga bagay na makakasakit sa ibang tao. Sinabi kong susubok ako ng mga bagay na hindi ko pa nasusubukan, lalabas ako ng bahay kahit tinatamad ako, gagawin ko ang mga bagay na hindi ako sigurado para malaman ko kung hanggang saan ako pwede pumunta. Yung iba nagawa ko, yung iba hindi masyado, pero dahil ba nasabi ko sa sarili ko na babaguhin ko ang nakasanayan kong ugali, nagbago na ba talaga ako?

Minsan gusto kong isipin na hindi, hindi ako nagbago, ako pa rin ngayon kung sino ako nung mga nakaraang taon. Ako pa rin ito dahil iyon ang nasa isip ko, ano ba kasing ibig sabihin ng nagbago ka? Ako pa rin to, parehas pa rin ang aking mga gusto, parehas pa rin ang mga pangarap at ako pa rin na nasa loob ng utak ko. Hindi naman nagbabago yun at palagay ko, hindi iyon magbabago ng basta basta. Kaso pwede rin na nagbago na ako at ayaw ko lang tanggapin dahil ayaw kong gumalaw. Ayaw kong harapin ang mga bagay kasama ng pagbabago. Gusto ko sa kinatatayuan ko ngayon, gusto ko ang ihip ng hangin dito, tama lang naman, hindi naman kailangan lumipat sa ibang pwesto. Pwede ba akong magbago ng hindi ko gusto?

Alam kong iikot ang mundo kahit anong mangyari. Hindi ko ito kaya pahintuin para hintayin akong makababa, makasakay o kahit sumabay sa galaw niya. Hindi ko pwedeng bagalan o bilisan ang paggalaw ng mga araw sa aking pagnanais, wala akong ibang solusyon kundi sumabay sa sariling galaw ng mundo. Kaso minsan, nalalaglag ako sa bilis ng ikot, minsan naman natatameme ako sa bagal, alin ba talaga ang dapat? Sa alin ba talaga ako magiging komportable? San nga ba ako magiging masaya?

Siguro wala sa ikot ng mundo ang problema. Siguro hindi sa bagal at bilis ng pagdaan ng panahon ang gusto kong mabago kundi kung paano ako sumasabay sa agos ng buhay. Gusto kong umindak sa sarili kong musika, gusto kong gumalaw ayon sa sarili kong tempo. Pwede naman ata eh, bakit ko nga ba kailangan sumabay sa paggulong ng mundo? Bakit ko nga ba kailangan sumabay sa alon? Pwede akong huminto kung kelan ko gusto at pwede ako tumakbo o lumakad kung kelan ko gusto? Wala naman makakapigil sa gusto natin hindi ba? Gagalaw lahat, ang mundo at ako, pero sa tingin ko, pwede naman kanya kanya kami ng galaw, ayaw ko humabol sa mabilis, ayaw kong maglakad kung mabagal? Kung hindi man kami sabay, anu ngayon? Iikot pa rin naman ang buhay hindi ba?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: